Monday 11 June 2012

Isang Ala-ala para sa Hacienda Luisita Massacre


Ika-16 ng Nobyembre, taong dalawang libo't apat,
Labing isang taong gulang pa lamang ako noon, sa aking pagkakaalam.
Ni wala akong pakialam, ni wala akong alam, wala akong kamulatan..
Marami ang naibuwis ng mga namatay,
Dugo, pawis, paninindigan... at buhay.
Ang buhay na sa simula pa lamang ay siya nang pinapatay.
Kung sino pa ang mas naghihirap, ay siya pang lalong pinahihirapan,
At kung sino ang nagpapahirap ay siya ring may kapangyarihan,
Kapangyarihang mambusabos, kapangyarihang mang-alipin at pumatay,
Kahit pa nabubuhay.

Ika-16 ng Nobyembre, taong dalawang libo't apat,
Sino'ng hindi magngangalit,
Sa mga pandarahas at pang-aalipusta ng mga nagmamalupit?
Ano bang laban nitong mga maliliit,
Sa mga tanke't armas na inyong gamit?
Lupa lamang ang kanilang hinihiling,
'Pagkat ang mga lupa namang ito'y sila ang *tunay na may-angkin.
Buong buhay nila'y ito lamang ang kanilang daing,
Subalit iba nga naman talaga ang inyong pagkaganid!

Ika-16 ng Noyembre, taong dalawang libo't apat,
Hanggang ngayo'y ang sigaw pa ri'y hustisya?
Hanggang ngayo'y wala pa rin ang lupa?
Hanggang ngayo'y wala paring awa sa pagsasamantala?
Hanggang kalian pa ba,
Hanggang kailan pa maghihintay sa isang bingi't bulag na pamahalaan,
Bago sila kumilos at mag-iba?
Hanggang kailan pa ba?
O sadyang MALABO na talaga?

Ika-16 ng Nobyembre, taong dalawang libo't apat,
Ako ay nagbibigay pugay sa ating mga magsasaka!
Pagpupugay sa mga nagbuwis ng buhay,
Para sa kanilang natatanging mga karapatan.
Wala man kayong laban sa kanilang mga kagamitan,
Ngunit ipinanglaban ninyo ang mismo niyong mga katawan,
Isang simbolo ng inyong kadakilaan at paninindigan.
At dahil rito ay patuloy ang pagkilos ng inyong kapwa magsasaka,
Mapababae man at pati na rin ang mga kabataan.

Ika-16 ng Nobyembre, taong dalawang libo't apat,
Isang ala-ala ng isang malagim na trahedya,
Ngunit ang trahedyang ito'y nagbibigay rin ng aral,
Upang tayo ay kumilos pa.
Dahil hangga't manhid ang kasalukuyang nanunungkulan,
Tayo, na alam ang pinagdaraanan ng mga kasama nating lumalaban,
Ay magpapatuloy lamang sa pagkalabog ng pintuan,
Nitong mga uring mapagsamantala.
Hangga't hindi sila nakikinig at hindi nila nakikita,
Hinding hindi tayo titigil sa pagsigaw sa mga lansangan,
Para sa karapatan, at  paggapi sa tanikala nitong malokong sistema.

Ika-16 ng Nobyembre, taong dalawang libo't apat,
Mabuhay ang pangunahing pwersa ng ating lipunan!
Magpapatuloy ang laban!



*Naisulat noong Ika-6 ng Nobyembre, 2011. (note in facebook)

No comments:

Post a Comment