Monday 11 June 2012

Sa Aurora Blvd.


'top n shop! 'top n shop!
Sigaw ni Manong Barker,
'top n shop! 'top n shop!
PUP! PUP!

May mga pasahero,
Sasakay, maiinip,
At kung anu-anong trip,
Hihintaying mapuno ang dyip.

Lalapit siya sa kundoktor,
O kaya nama'y sa drayber,
Ihahanda ang palad,
Para sa konting mamiso.

Lalarga na ang dyip,
May darating ulit na bago,
Handa ulit ang boses niya,
Para sa konting patak ng barya.

Natanong ko sa isip ko,
Shet! Kasya kaya ito,
Sa sikmurang kumakalam,
At sa pamilyang nag-aabang?

Sa pagbagtas sa daan,
Iba't ibang mukha ng lipunan.
Minsa'y masaya,
Pero kadalasa'y nakalulungkot.

Makikita ang mga musmos,
Nakahubad at walang mga saplot.
Ang mga magulang,
Saan kaya mahahanap?

Maaring naghahanap,
Pantawid laman-ng-tyan,
Pero maaari ring,
Nagpapaliit lamang ng utak.

Ewan ko ba.
Pero sino bang sisisihin?
Sila ba, Ako ba?
O ang mas malaking institusyong,
Dapat tumutulong sa masa?

Malay ko.
Malay mo rin?
Tangina.
Paki ba natin?

Hayaan na lang.
Punyeta.
Sila naman ang nagugutom,
Basta ako,
Palagi lang may pagkain.

Wala naman tayong puso,
Kung meron man,
Short-term lang ang nararamdaman.
Ganito naman talaga.

Alam ko na!
Pakain na lang tayo sa sistema.
Isang sistemang,
Nagsanay sa'ting maging tanga.

Ayaw naman nating pumayag
Na maging tanga,
Edi, lahat nang ito'y ilusyon na lang.
Ilusyong realidad talaga.





*Naisulat noong Ika-15 ng Pebrero, 2012. (note in facebook)

Kapag Dugo ang Naging Tinta ng Tula


*Ang tulang ito ay para sa mga magsasakang nag-alay ng buhay para sa tunay na repormang agraryo pati na rin sa mga taong hindi napapagod at tumitigil sa pakikibaka.
Isang pagbabalik tanaw noong ika-22 ng Enero, 1987, ang Mendiola Massacre.


Isa.. Sampu.. Labing-lima..
Dalawampu.. Dalawampu't lima..
Dalawampu't limang taon na ang lumipas,
Ngunit, nasaan na nga ba ang hustisya?
Nasaan ang katarungan?
Nasaan ang tunay na paninilbihan?
Nasaan na nga ba?
O tila isang ilusyon naman talaga,
Ang sinasabing tuwid na daan,
At boss ang masa?

Nagmartsa ang mga kasama nating magsasaka,
Na nagmula pa sa kani-kanilang probinsya,
Iniwan pansamantala ang kanilang sinasaka,
Hindi dahil para maghanap ng away,
Hindi dahil para patulan lang ang mga pulis at militar,
At lalong hindi para magresulta,
Sa isang malagim na trahedya,
Ang paghingi lamang nila,
Ng tunay na reporma sa lupa.

Labing tatlong buhay ang nawala,
Daan-daan ang sugatan at tinamaan ng bala,
Maraming dugo ang nagkalat sa kalsada,
Hindi! Hindi!
Imposibleng malimutan ang ganitong pangyayari,
Dahil buhay ang binawi!
Gaano pa ba katagal ang hihintayin?
Dalawampung taon ba ulit?
O mismong buhay ang kanilang nais singilin?

Sa pagkakataong ito,
Kung magbibingi-bingihan pa rin ang ating gobyerno,
Alam naman natin na narito,
Na sa sama-sama nating pagkilos,
Sa walang sawa nating pangangalampag sa kanilang pinto,
Sa malakas na tinig na mayroon tayo,
Ay makakaya nating gapiin ang estado.

Hangga't walang nakikitang katarungan,
Hangga't bingi't bulag ang namamahala,
Hangga't nananatili ang mga naghaharing-uri na hangal,
At hangga't ang lupa'y hindi pa rin tayo ang nakikinabang,
Mananatiling dadaloy ang dugo ng pakikibaka.

Mabuhay!
Mabuhay ang mga kasamang magsasaka,
Na hindi nagsasawang lumaban para sa tunay na reporma sa lupa!
Mabuhay ang pangunahing pwersa ng lipunan!
*Magsasaka, lumaban ka!
Ipagpatuloy ang pakikibaka!


*Naisulat noong Ika-18 ng enero, 2012. (note in facebook)

Isang Ala-ala para sa Hacienda Luisita Massacre


Ika-16 ng Nobyembre, taong dalawang libo't apat,
Labing isang taong gulang pa lamang ako noon, sa aking pagkakaalam.
Ni wala akong pakialam, ni wala akong alam, wala akong kamulatan..
Marami ang naibuwis ng mga namatay,
Dugo, pawis, paninindigan... at buhay.
Ang buhay na sa simula pa lamang ay siya nang pinapatay.
Kung sino pa ang mas naghihirap, ay siya pang lalong pinahihirapan,
At kung sino ang nagpapahirap ay siya ring may kapangyarihan,
Kapangyarihang mambusabos, kapangyarihang mang-alipin at pumatay,
Kahit pa nabubuhay.

Ika-16 ng Nobyembre, taong dalawang libo't apat,
Sino'ng hindi magngangalit,
Sa mga pandarahas at pang-aalipusta ng mga nagmamalupit?
Ano bang laban nitong mga maliliit,
Sa mga tanke't armas na inyong gamit?
Lupa lamang ang kanilang hinihiling,
'Pagkat ang mga lupa namang ito'y sila ang *tunay na may-angkin.
Buong buhay nila'y ito lamang ang kanilang daing,
Subalit iba nga naman talaga ang inyong pagkaganid!

Ika-16 ng Noyembre, taong dalawang libo't apat,
Hanggang ngayo'y ang sigaw pa ri'y hustisya?
Hanggang ngayo'y wala pa rin ang lupa?
Hanggang ngayo'y wala paring awa sa pagsasamantala?
Hanggang kalian pa ba,
Hanggang kailan pa maghihintay sa isang bingi't bulag na pamahalaan,
Bago sila kumilos at mag-iba?
Hanggang kailan pa ba?
O sadyang MALABO na talaga?

Ika-16 ng Nobyembre, taong dalawang libo't apat,
Ako ay nagbibigay pugay sa ating mga magsasaka!
Pagpupugay sa mga nagbuwis ng buhay,
Para sa kanilang natatanging mga karapatan.
Wala man kayong laban sa kanilang mga kagamitan,
Ngunit ipinanglaban ninyo ang mismo niyong mga katawan,
Isang simbolo ng inyong kadakilaan at paninindigan.
At dahil rito ay patuloy ang pagkilos ng inyong kapwa magsasaka,
Mapababae man at pati na rin ang mga kabataan.

Ika-16 ng Nobyembre, taong dalawang libo't apat,
Isang ala-ala ng isang malagim na trahedya,
Ngunit ang trahedyang ito'y nagbibigay rin ng aral,
Upang tayo ay kumilos pa.
Dahil hangga't manhid ang kasalukuyang nanunungkulan,
Tayo, na alam ang pinagdaraanan ng mga kasama nating lumalaban,
Ay magpapatuloy lamang sa pagkalabog ng pintuan,
Nitong mga uring mapagsamantala.
Hangga't hindi sila nakikinig at hindi nila nakikita,
Hinding hindi tayo titigil sa pagsigaw sa mga lansangan,
Para sa karapatan, at  paggapi sa tanikala nitong malokong sistema.

Ika-16 ng Nobyembre, taong dalawang libo't apat,
Mabuhay ang pangunahing pwersa ng ating lipunan!
Magpapatuloy ang laban!



*Naisulat noong Ika-6 ng Nobyembre, 2011. (note in facebook)